"Oo naman, kasi nahanap ko na siya, nahanap na kita," pangiti-ngiting sagot niya. "Ang kailangan ko na lang ngayon ay mapa-ibig ka para mangyari na ang lahat ng mga iyon, ang matupad ang pangarap ko sa buhay."
Natahimik sandali ito sa mga narinig. Pinagmasdan nitong mabuti ang kabuuan niya. At napatitig ng matagal sa guapong mukha niya. Hindi nito magawang maitanggi sa sarili na napahanga ito sa kanya.
"Ba't natahimik ka bigla riyan, Miss, iniisip mo ako ano...?" nagyayabang at nakangiting sabi niya.
"Ang yabang mo talaga," nasabi na lang nito at agad binawi ang titig sa mukha niya.
"Sana tama ako," biglang seryosong sabi niya. "Ang gusto ko kasi, simula sa araw na ito ako na lang ang iisipin mo. Dahil simula nang una kitang makita, ikaw at ikaw na lang