Google Another Angle of Love

                                                              Back to Homepage                                                             
                                               Chapter 1     

            MALAYO na ang kinaroroonan ni Aloha sa dagat mula sa dalampasigan habang patuloy ang pagtagas ng mga luha sa mga mata niya.
           "Miss ano ka ba huwag
mong ituloy 'yang masamang binabalak mo, magagalit sa iyo si Lord niyan. Kung ano man iyang problema mo baka matulungan pa kita!" sigaw ng lalake habang hawak-hawak siya sa beywang sa malalim na dagat sa isang magandang beach resort.
          "Bitawan mo ako, pabayaan mo nga ako!" nakatalikod at pasigaw na sagot niya habang nagpupumiglas sa mahigpit na pagkakahawak nito.
       


          "Ano ba iyang labis-labis mong iniiyakan ha, pera ba ha?" malakas na tanong nito. "Kung gusto mo pauutangin kita!"
          "Hoy bitawan mo nga ako!" muling sigaw niya. "Sino bang may masamang binabalak gawin ha, hoy okey
ka lang!"
          Biglang natigilan ang nagpapakabayaning lalaking ito at dahan-dahang bumitaw sa balengkenitan niyang beywang. "Ha wala ka palang binabalak gawing masama dito sa dagat, pasensya ka na akala ko kasi meyron..." nahihiyang banggit nito sabay kamot sa ulo.
          "Opo, wala po akong binabalak na gawing masama dito sa dagat sir, walang wala ho talaga sir! Ang laki ng problema mo!" inis na inis na sagot niya sabay talikod at harap sa lalakeng nagtangkang sumaklolo sa kanya. 
   


       "Pasensya na Miss ikaw naman kasi eh..." kakamot-kamot na pahayag nito habang nakatingin sa magandang mukha niya.
          "Eywan ko sa iyo, diyan ka na nga!" Sabay lakad pabalik sa may dalampasigan pero
mabilis ding natigilan at nangiti ng kunti.
          "Miss na maganda pasenya na uli ha.." pahabol na pahayag muli nito habang nakasunod sa kanya.
          Pagkarating niya sa may dalampasigan ay agad siyang tumalikod at humarap dito. "Sigi na nga okey na, papatawarin na kita. Sabi mo kasi maganda ako eh. Kailangan ko kasing marinig ngayon iyan eh..." at biglang napahagulgol at tumulo ang mga luha niya.
       


          "Ha, may binabalak ka nga talagang gawing masama kanina ano..." mahinang banggit nito habang nakatingin sa kanya.
          "Ikaw talaga, sabi nang wala eh..." natatawang sagot niya habang dahan-dahang pinupunasan
ang mga mata ng kanyang mga palad.
          "Ibibigay ko sana itong panyo ko pampahid ng luha mo kaso basa na rin eh..."
           Bigla siyang natawa sa narinig niya sa poging binata sa harapan niya.
          "Sigi na nga, oo may problema nga ako pero, mas nagagalit ako kaysa sa nalulungkot. Parang gusto ko ngang manuntok at manipa eh!" nakangiting pahayag niya dito.
          "Talaga..." nakangiting nasabi na lang nito.
      


    "Talagang, talaga. Nakita ko kasi ang boyfriend ko, hinahalikan ng isang babae sa isang restaurant.  Pagtataksilan ako, doon pa talaga sa babaeng sigurado akong mas maganda pa ako."
          "Ah... oo sigurado akong mas maganda ka nga do'n..." nakangiting sabi nito sa harapan niya.
          "Ha papano mo naman nalaman, eh wala ka naman doon," medyo nagtataka at nakangiting tanong niya.
          "Wala lang, parang sobrang swerte naman ng boyfriend mo pag nakahanap pa siya ng mas maganda pa sa iyo. Ako nga eh ang pogi-pogi ko na nga eh hindi pa ako nagkaka-girlffriend ng kasing ganda mo eh. Mabuti na lang at wala ka pala talagang binalak na gawing masama kanina..."
        


  "Talagang-talaga baka sila pa ang lunurin ko dito!" sagot niya saka napahagalpak sa tawa. Napatitig naman ang binatang ito dahil lalo pa siyang gumanda habang malakas na tumatawa sa may dalampasigan.
"Oh sigi diyan ka na, salamat na lang sa pagligtas mo sa akin." at biglang tumalikod at nagtungo sa tinutuluyang cottage niya sa loob ng resort.
          "Hoy, ganon na lang ha. Wala ka bang naiisip ha?" habol nito sa kanya habang patuloy na naglalakad sa may buhanginan.
          "Anong sabi mo?" nakangiting tanong niya.
          "Wala lang, tingnan mo, isang magandang babae, niligtas ng poging-poging lalake. Hindi mo ba naiisip, baka sinadyang makita mo ako ngayon, at sinadyang makita kita--" 


biglang putol ng binata sa sasabihin sana nito.
          "Gano'n, aba oo nga pwede. Oo nga sinadyang makita kita ngayon, para may pang-inis ako sa boyfriend kong taksil," nakangiting sagot niya
habang nakatitig sa mukha nito. "Tiyak, mamatay sa inis at selos iyon pag nakita niya tayong dalawa at mapagkamalang magkarelasyon!"
         "Ha mapagkamalan lang, hindi naman iyan ang ibig kong sabihin," ngingiti-ngiting tugon nito sa kanya.
         "Ikaw ha ang bilis mo, ni hindi mo nga naman talaga ako niligtas eh," sagot niya.
         "Eh sa bagay tayong dalawa eh. Anong magagawa ko," ngiti-ngiting sagot nito.