Chapter 6

            KAKARGAHIN sana muli niya si Alana subalit sinaway siya ng mga tingin nito. Naintindihan naman agad niya dahil malapit na sa kanilang kinaroroonan ang bangka kaya nagkasya na lamang siya na hawakan ang isang kamay nito habang naglalakad sa mababaw na dagat pabalik sa maputing dalampasigan. Nang makarating na ang bangka ay muli niyang inalalayan ito paakyat dito. Nararamdaman niya sa palad nito na unti-unti na itong nasasanay sa hawak niya. Nakakaramdam siya ng pag-asang malapit na niya itong mapa-ibig kahit sandali pa lang silang nagkakakilala. At ang pag-asang iyon ay nagdulot sa kanya ng labis at kakaibang-kaligayahan na hindi niya naramdaman sa kahit sinumang babae nakasama na niya. Napagtanto niyang tama ang desisyon niyang ipakilala na agad ito sa mga magulang niya dahil ayaw na niyang mawalay pa ito sa piling niya, sa mga bisig niya. Nagmamahal ako, katagang nagpangiti sa kanya habang magkatabi silang nakaupo sa naglalayag na bangka.