Chapter 13

      PAGKAGISING niya'y wala na si Alana sa kama niya. Agad niyang narinig na may nagluluto sa ibaba. Nangiti siya. Ipinagluluto mo ba ako mahal ko. Gusto mo bang baunin ko ang alaala ng pag-aalaga at pag-aasikaso mo sa akin. Bumuga siya ng hangin at dahan-dahang tumayo mula sa pang-isahang sofang nakatulugan na niya. Inayos niya sandali ang kanyang buhok bago tuluyang lumabas at bumaba para makita ito. Pagkababa niya ay agad siyang nagtungo sa may kusina nito. Nakita agad niya itong abalang naglalagay ng mga pagkain sa may mesa. Nginitian niya agad ito at binati.